Posibleng lumampas sa itinakdang target na bilang ng registered voters sa Dagupan City matapos umabot na sa 143,840 ang kabuuang rehistradong botante noong Marso 2026.
Ayon kay Dagupan City Election Supervisor Atty. Michael Frank Sarmiento, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng kabuuang 2,682 aplikasyon mula Abril hanggang Mayo ngayong taon, bago tuluyang magsara ang voter registration noong Lunes, May 18.
Kung maaaprubahan ang lahat ng aplikasyon, posibleng malampasan ng lungsod ang paunang target na 144,000 registered voters’ para sa nalalapit na halalan.
Sinabi pa ni Sarmiento na malaking indikasyon ito ng aktibong partisipasyon ng publiko sa proseso ng eleksyon.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na hindi pa pinal ang bilang dahil kinakailangan pang dumaan sa masusing beripikasyon at approval process ng COMELEC ang mga natanggap na aplikasyon.
Patuloy namang hinihikayat ng COMELEC ang publiko na makiisa sa mga susunod na aktibidad kaugnay ng halalan upang matiyak ang malinis at maayos na voters registration process sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








