
Nakukulangan si Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go sa coverage target ng PhilHealth para sa mga gastusin sa ospital ng mga miyembro nito.
Sinabi ng senador na welcome para sa kaniya ang 18% hospital bill coverage ng PhilHealth ngayong 2025 at plano itong itaas sa 28% pagsapit naman ng 2028.
Gayunman, iginiit ni Go na napakalayo ng coverage target na ito para matupad ang tunay na intensyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Sinabi ni Go na ang plano ng PhilHealth ay hindi sapat kahit pa umutang o ibenta ng isang pasyente ang kaniyang lupa para may maipambayad para ma-discharge.
Pinuna ng mambabatas na sobra-sobra ang pondo ng PhilHealth na hindi nagagamit at napakikinabangan ng mga miyembro lalo na ang mga buwan-buwan ay nagbibigay ng kontribusyon.
Binigyang-diin pa ni Go na ang PhilHealth ay para sa kalusugan, hindi ito negosyo at isa itong insurance na dapat ay masasandalan at maaasahan sa tuwing tayo’y magkakasakit.