
Isiniwalat ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na hindi nag-iisa ang pekeng Mary Grace Piattos sa mga benepisaryo ng mahigit ₱125 million pesos na confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ortega, nakasaad sa annexes ng impeachment complaint laban kay Duterte ang mga pangalang “Pia Piatos-Lim” at “Renan Piatos” gayundin ang Xiaome Ocho na hango sa brand na Xiaomi cellphone model.
Diin ni Ortega, lahat ng naturang mga pangalan ay wala ring records ng kapanganakan, kasal at pagkamatay sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Magugunitang base sa report ng PSA na isinumite sa Kamara, sa 1,992 pangalan na tumanggap umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ay 670 lamang ang may katugma sa records nito.