DATING EMPLEYADO AT ISANG MENOR DE EDAD, HULI SA UMANOY PAGLIMAS NG ₱260K NA KITA NG ISANG GASOLINAHAN SA ASINGAN

Arestado ang isang dating empleyado ng gasolinahan at isang 17-anyos na menor de edad matapos umanong masangkot sa pagnanakaw ng mahigit ₱260,000 sa isang gasoline station sa Barangay Dupac sa Asingan.

Batay sa ulat ng Asingan Municipal Police Station noong Mayo 20, nangyari ang insidente dakong alas-11:33 ng gabi noong Mayo 18 matapos pasukin umano ng mga suspek ang silid ng gasoline attendant.

Ayon sa imbestigasyon, tinali umano ng mga suspek gamit ang duct tape ang gasoline attendant at tinakot gamit ang baril bago puwersahang binuksan ang vault sa pamamagitan ng angle grinder.
Tinangay umano ng mga suspek ang tinatayang ₱260,175 na cash bago tumakas. Naiulat lamang ang insidente sa pulisya kinabukasan, Mayo 19.

Sa isinagawang hot pursuit operation, unang nadakip ang dating empleyado ng establisimyento bago sumunod na naaresto ang isa pang suspek na hinihinalang menor de edad.

Narekober ng mga awtoridad ang bahagi ng tinangay na pera, isang baril, motorsiklo at angle grinder na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments