
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si People’s Television Network (PTV-4) General Manager Lino Cayetano bilang bagong kalihim ng Presidential Communications Office (PCO), kapalit ni Dave Gomez.
Si Cayetano ay kapatid nina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Pia Cayetano.
Sa panayam sa Singapore, sinabi ng Pangulo na kailangang palitan si Gomez matapos ma-bypass ng Commission on Appointments (CA) ang kanyang appointment.
Kinumpirma rin ni Marcos na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda.
Gayunman, pansamantala munang mananatili si Aguda sa puwesto habang wala pang naitatalagang kapalit.
Paliwanag ng Pangulo, ipinagpaliban muna ang anunsyo sa pagbibitiw ni Aguda habang hinihintay ang kumpirmasyon sa kanyang papalit pero nauna na itong isiniwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Iniuugnay ng Pangulo ang timing ng anunsyo sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y mga kuwestiyonableng internet connectivity project ng gobyerno, kabilang ang Free Wi-Fi program ng DICT.
Samantala, nilinaw ni Marcos na hindi pa ibabalik si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Department of Transportation (DOTr).
Gayunman, hindi isinasara ng Pangulo ang posibilidad na magbago ang desisyon.
Pormal na maisasagawa ang mga pagbabago sa Gabinete sa pagbabalik ng Pangulo sa bansa.










