
Makararanas ng halos 11 oras na pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang bayan at lungsod sa Pangasinan sa Sabado, Hulyo 25, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, ayon sa abiso ng CENPELCO.
Kabilang sa mga maaapektuhan ang buong bayan ng Alcala, Bautista, Bayambang, Basista, at Malasiqui, gayundin ang lungsod ng San Carlos, maliban sa Barangay Parayao.
Mawawalan din ng kuryente ang ilang barangay sa Urbiztondo, Mangatarem, at Binmaley.
Ayon sa CENPELCO, ito ay dahil sa nakatakdang maintenance at iba pang teknikal activities sa 69-kilovolt (kV) transmission line at mga substation para ayusin ang serbisyo ng kuryente.
Kabilang sa mga ito ang paglilipat ng mga transmission line pole, pagpapalit at paglalagay ng mga insulator, pagbabago ng tap settings sa mga substation sa Malasiqui at Bayambang, at paglilinis ng right of way ng transmission line.
Maaari umanong maibalik ang suplay ng kuryente bago matapos ang nakatakdang oras.
Gayunman, pinapayuhan ang publiko na ituring na laging may kuryente ang mga linya at kagamitang elektrikal bilang pag-iingat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








