Heightened Alert Status sa buong bansa, iiral hangga’t hindi binabawi ng PNP

Mananatili ang heightened alert status sa buong bansa hangga’t hindi ito binabawi ng Philippine National Police (PNP).

Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Officer (PIO) Chief PCol. Randulf Tuaño matapos itaas sa heightened alert ang status ng buong bansa dakong alas-5 ng hapon kahapon, March 11, 2025, kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng International Criminal Court (ICC) warrant.

Dahil dito, pinaghahanda ang buong hanay ng kapulisan sa posibleng civil disturbance, mga rally, at mass actions kasunod ng pag-aresto sa dating Pangulo.


Inaatasan din ang pulisya na magsagawa ng pinaigting na border control checkpoints at pinaghahanda ang civil disturbance management (CDM) units bilang quick reaction forces upang mapanatili ang kapayapaan sa bansa.

Ang heightened alert ay nangangahulugan din ng 75% na deployment ng buong puwersa ng PNP.

Facebook Comments