Bagama’t nananatiling mababa ang crime rate sa Dagupan City, nananatiling hamon sa mga awtoridad ang paglaban sa iligal na droga at pang-aabuso sa mga bata, batay sa peace and order assessment para sa ikalawang quarter ng 2026.
Sa datos mula Abril 1 hanggang Hunyo 24, umabot sa 70 na krimen ang naitala. Pinakamarami rito ang 33 kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), habang pumangalawa ang 7 kaso ng paglabag sa Anti-Child Abuse Act (RA 7610).
Sa ilalim ng index crimes, naitala ang isang kaso ng murder, isang rape, tatlong robbery, at isang theft, habang karamihan sa mga krimen ay naganap mula gabi hanggang madaling araw.
Samantala, nakapagtala rin ang lungsod ng 18 vehicular traffic incidents sa parehong panahon.
Ayon sa assessment, bagama’t kontrolado ang sitwasyon ng kriminalidad sa lungsod, mahalaga pa ring paigtingin ang pagbabantay, lalo na sa gabi, at palakasin ang kooperasyon ng komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Dagupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








