Naglabas ng traffic advisory ang Alaminos City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) matapos makaranas ng pagbaha sa bahagi ng National Road sa Barangay Lucap bunsod ng patuloy na pag-ulan.
Batay sa advisory na inilabas alas-10 ng umaga noong Agosto 4, passable pa rin umano ang naturang kalsada ngunit pinapayuhan ang mga motorista na dumaan nang may ibayong pag-iingat dahil sa tubig na bumabaha sa lugar.
Hinikayat ng CDRRMO ang mga dumaraan na bagalan ang pagmamaneho, panatilihin ang distansya sa ibang sasakyan, at sundin ang mga traffic personnel na naka-deploy sa lugar.
Samantala, patuloy ding minomonitor ng mga awtoridad ang lagay ng panahon at ang kondisyon ng mga kalsada at daluyan ng tubig sa lungsod habang nagpapatuloy ang pag-ulan.
Ayon sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Team, nananatiling madaraanan ang mga tawiran sa Ayusan Creek at Ruar Mangas Creek sa Barangay Pocalpocal, at wala pang naitatalang pagsasara ng mga kalsada sa lugar.
Pinayuhan naman ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na anunsyo ng lokal na pamahalaan para sa mga susunod na update hinggil sa kondisyon ng mga kalsada at lagay ng panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











