Planong isagawa ng Dagupan City Government ang “Operation Sitio” sa Zamora Extension, Barangay Pogo Chico, kasunod ng nakalatag na drainage at road elevation project sa lugar.
Ito ay matapos magpahayag ng pangamba ang ilang residente na kapag naitaas ang pangunahing kalsada, posibleng sa mas mabababang bahagi at mga kabahayan mapunta o maipon ang tubig-baha.
Isa sa mga nagpahayag ng pangamba si Filomena Quiñones, residente ng lugar, na umaasang mabibigyan din ng solusyon ang sitwasyon sa kanilang sitio kasabay ng pagpapatupad ng proyekto.
Bilang tugon, sinabi ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez na kabilang sa planong Operation Sitio ang pagpapataas ng mga pathway at eskinita upang hindi maiwan na mas mababa ang mga daanan patungo sa mga kabahayan kapag naitaas na ang kalsada.
Tiniyak din ng alkalde na magbibigay ng kaukulang tulong ang pamahalaang lungsod upang matugunan ang problema ng mga residente sa lugar.
Bukod sa drainage at road elevation, binigyang-pansin din ni Fernandez ang kondisyon ng mga kailugan sa Barangay Pogo Chico, na isa umano sa mga salik na nakaaapekto sa pagdaloy ng tubig at pagbaha sa barangay.
Sa kasalukuyan, hindi pa nasisimulan ang nakalatag na drainage at road elevation project dahil nananatiling problema ang pagbaha sa lugar.
Inaasahang kapag naging posible na ang pagsasagawa ng proyekto, kasunod nitong tututukan ang mga mabababang sitio, pathway at eskinita upang hindi mailipat lamang sa mga kabahayan ang problema sa baha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








