Ilang mga opisyal ng barangay sa Aklan, nagsampa ng disqualification case sa COMELEC laban sa tumatakbong kongresista

Sinampahan ng disqualification case sa Commission on Elections (COMELEC) si Aklan 2nd District Representative Teodorico “Nonong” Haresco Jr. dahil sa umano’y vote buying sa bayan ng Makato, Aklan.

Inihain nina Barangay Kapitan Henry Olid ng Tibiawan at Shirly Lagradante ng Poblacion ang reklamo matapos nilang masaksihan ang umano’y pamimigay ng pera ng staff ni Haresco na nakilalang si Shiela Puod at asawang si Kagawad Ronilo Puod.

Ayon sa reklamo, may nakalatag na mga tig-₱1,000 sa terrace ng bahay nina Puod, kalakip ng mga pangalan at voter’s ID photocopies kung saan nasa lugar din umano ang ilang DSWD Region VI workers habang may mga nakapilang residente.

Kwento ng mga testigo, tig-₱2,000 ang ibinibigay sa mga sumusuporta kay Haresco upang impluwensyahan ang resulta ng halalan sa Mayo.

Kabilang sa ebidensyang isinumite ay mga larawan, video, at sworn affidavits ng mga saksi.

Facebook Comments