Immigration records ng mga dayuhang suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa House committee on public order and safety ang Immigration records ng tatlong dayuhan na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at kanyang driver.

Naniniwala si Pimentel na maraming dayuhan na sangkot sa iba’t ibang criminal activities ang nakapasok sa bansa sa kasagsagan ng ‘pastillas scam’ at ito ay maaaring makita sa kanilang Immigration records.

Ipinaalala ni Pimentel ang nabunyag noon na “pastillas scam” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan inilalagay umano ng mga dayuhan sa pambalot ng pastilyas ang kanilang suhol na pera sa mga tauhan o opisyal ng Immigration para hayaan lang ang iligal nilang pagpasok sa bansa.

Para kay Pimentel, malinaw na ipinakikita ng pastillas scam kung gaano kalala ang korapsyon na daan sa iligal na paglusot sa bansa ng mga dayuhan na banta sa ating pambansang seguridad at hadlang sa mahigpit na Immigration enforcement.

Facebook Comments