Namahagi ang lokal na pamahalaan ng Villasis, Pangasinan ng 21 solar-powered irrigation pumps at mga binhi ng palay bilang suporta sa mga magsasaka sa harap ng epekto ng el niño at iba pang hamon sa agrikultura.
Bahagi ang 21 portable solar-powered irrigation pumps ng programang naglalayong magbahagi ng kabuuang 70 kagamitan sa mga barangay.
Gumagamit ang mga ito ng solar energy upang mabawasan ang gastusin sa gasolina at magkaroon ng mas matipid at sustenableng sistema ng patubig.
Pinangunahan naman ni Municipal Engineer Vladimir Torres ang demonstrasyon sa wastong pagbuo, pag-assemble at paggamit ng mga kagamitan upang matiyak na magagamit nang maayos at epektibo ang mga ito ng mga benepisyaryo.
Samantala, 1,665 magsasaka ng palay sa bayan ang nakikinabang sa pamamahagi ng mga binhi ng hybrid na palay na sasaklaw sa 2,305 ektarya para sa dry cropping season sa ilalim ng National rice hybridization program ng Department of Agriculture o DA.
Bukod sa mga binhi, tumanggap din ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng mga di-organikong pataba at biofertilizers, batay sa lawak ng kanilang mga sakahang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.
Layunin ng mga programang ito na mapababa ang gastusin sa produksyon, matiyak ang sapat na patubig at mapanatili ang produktibidad ng mga sakahan sa villasis sa kabila ng mga hamong dulot ng pagbabago ng klima. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








