
Sumampa na sa apat na indibidwal ang naitalang nasawi dahil sa nararanasang sama ng panahon sa Mindanao.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy pang sumasailalim sa beripikasyon ang apat na napaulat na nasawi.
Samantala, lumobo pa sa 48,626 na pamilya o katumbas ng 241,579 na mga indibidwal ang apektado mula sa 144 brgys. sa Regions 9, 10, 11, 12 at BARMM.
Sa nasabing bilang, mahigit 6,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa siyam na evacuation center habang ang iba naman ay mas piniling manatili sa kanilang tahanan o makituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Nakapagtala rin ang OCD ng pitong kalsada at tatlong tulay ang hindi madaraanan ng mga motorista.
Napinsala naman ang 121 mga kabahayan kung saan 98 ang partially damaged habang 23 ang totally damaged.
Mayroon ding naiulat na landslide sa ilang lugar sa Mindanao.
Kasunod nito, patuloy sa pamamahagi ng relief goods at hot meals ang pamahalaan sa mga apektadong residente.
Nagpapatuloy rin ang clearing operations sa mga binahang kalsada para agad madaanan ng mga sasakyang may lulang mga ayuda.