Reklamo ni FPRRD kina ex-SILG Benhur Abalos at PNP Chief Marbil, ibinasura ng DOJ

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong kriminal na isinampa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kina dating Interior Secretary Benhur Abalos at ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Kaugnay yan sa naging operasyon ng pulisya sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) nang arestuhin si Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon sa Justice Department, walang nakitang ebidensiya na nagdidiin sa reklamong malicious mischief at violation of domicile na inihain ng dating pangulo laban kina Abalos, PNP Chief Rommel Marbil at ilang opisyal ng pulisya.

Nakasaad sa resolusyon na ginampanan lamang ng mga ito ang kanilang trabaho at wala ring probable cause para kasuhan ang respondents.

Sa reklamo ni Duterte, na kumatawan bilang administrador ng KOJC properties, nakasaad na nagkaroon ng kalabisan sa police operation na nagresulta sa pagkasira ng ilang mga istruktura.

Hiling din nila na mapanagot ang mga opisyal dahil sa command responsibility.

Sinabi naman ng DOJ na hindi pasok sa doctrine of command responsibility ang domestic criminal liability sa ilalim ng Revised Penal Code.

Wala rin anila sina Abalos at Marbil sa pangyayari at mananagot lamang sila kung may direktang partisipasyon.

Facebook Comments