JEEPNEY DRIVERS, DAING ANG MAS MAHABANG BIYAHE AT DAGDAG-GASTOS DAHIL SA BAHA

Dagdag-oras sa biyahe at dagdag-gastos sa krudo ang inirereklamo ng ilang jeepney driver dahil sa patuloy na pagbaha sa ilang pangunahing daanan patungong Dagupan City.

‎Sa panayam ng iFM News Dagupan, sinabi ng ilang tsuper na hangga’t maaari ay iniiwasan nilang ilusong sa mataas na baha ang kanilang mga pampasaherong jeep upang hindi masira ang mga sasakyan.

‎Gayunman, kapalit nito ang mas mahabang ruta at mas malaking konsumo sa krudo, na nakababawas umano sa kanilang kinikita sa araw-araw.

‎Lulubog-lilitaw pa rin ang baha sa ilang bahagi ng Barangay Caranglaan at Mayombo, na karaniwang dinaraanan ng mga pampasaherong jeep sa rutang Calasiao-Dagupan.

‎Kapag tumataas ang tubig, partikular tuwing high tide, napipilitan ang ilang tsuper na dumaan sa Barangay Tebeng at iba pang alternatibong ruta upang makaiwas sa mga bahaging malalim ang baha.

‎Bukod sa dagdag na oras sa biyahe, dagdag-pasanin din sa mga tsuper ang mas malaking konsumo sa krudo dahil sa pag-iikot.

‎Dagdag pa rito ang pangamba sa presyo ng produktong petrolyo. Nauna nang sinabi ni ACTO Nationwide President Liberty de Luna na malaking dagok sa kabuhayan ng mga tsuper ang anumang panibagong pagtaas sa presyo ng langis.

‎Sa kabila ng baha, mas mahabang ruta at dagdag na gastusin, tuloy pa rin sa pamamasada ang mga jeepney driver upang maitaguyod ang kanilang kabuhayan at maihatid ang mga commuter sa kani-kanilang destinasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments