KAHANDAAN SA LINDOL, TSUNAMI, AT SUNOG, TINUTUKAN NG BFP AT LGU DAGUPAN

Pinaghahandaan ng Bureau of fire protection katuwang ang lokal na pamahalaan ang mga posibleng sakuna tulad ng lindol, tsunami, at sunog sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon at paghahanda ng mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay City Fire Marshal Fire Chief Inspector Michael C. Samera, nagsagawa ng pulong ang kanilang tanggapan kasama ang lokal na pamahalaan, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Public Order and Safety Office (POSO), at iba pang kaukulang ahensya para talakayin ang kahandaan ng lungsod sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakuna.

Kabilang sa mga pinaghahandaan ang isasagawang second quarter earthquake drill sa mga paaralan sa lungsod bilang bahagi ng quarterly preparedness program.

Ayon kay Samera, nakatuon ang ahensya sa pagtuturo ng mga basic at mahahalagang kaalaman sa disaster preparedness sa paraan na mas madaling maunawaan ng mga mag-aaral.

Samantala, tiniyak ng BFP na nakahanda ang kanilang hanay sa pagtugon sa mga insidente ng sunog sa pamamagitan ng dalawang fire truck na nakaantabay 24/7 at mga volunteer group na handang rumesponde anumang oras.

Iniulat din si Samera na bahagyang tumaas ang bilang ng mga naitalang sunog ngayong taon kumpara noong nakaraang taon, kung saan karamihan ay dulot ng grass fire.

Dahil dito, pinaalalahanan niya ang publiko na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng BFP sakaling magkaroon ng sunog at maging maingat sa paggamit ng kuryente, tanggalin sa saksakan ang mga appliances kapag hindi ginagamit, at bantayang mabuti ang mga bata upang maiwasan ang mga posibleng sanhi ng sunog.

Binigyang-diin din ni Samera ang kahalagahan ng tamang kaalaman sa paggamit ng fire extinguisher upang maging mas handa sa oras ng emerhensiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments