
Malaki ang posibilidad na sunod na gawin ng depensa ay maghain ng mosyon para ibasura ng impeachment court ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate impeachment court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, mataas ang posibilidad o inaasahan nila na susunod na magiging hakbang ng depensa matapos maghain ng “Appearance Ad Cautelam” ay ang paghahain ng “motion to dismiss the case” dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.
Sinabi ni Tongol na kapag naglagay ang isang abogado ng “ad cautelam” sa kanilang pleading at kung ayaw sumagot sa specific na reklamo ay madalas ito ang susunod na tactic o strategy.
Sa tingin pa ni Tongol, kung ito ang susunod na hakbang ng defense lawyers ni VP Sara ay nakahanay ito sa petisyon na unang inihain ng bise presidente sa Korte Suprema na kumukwestyon sa proseso ng impeachment trial laban sa kanya.