
Bahagyang bumababa na ngayon ang mga kaso ng dengue sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), sa nakalipas na apat na linggo o mula January 19 hanggang nitong February 15 ay nasa 15,134 ang naitalang kaso ng dengue sa buong bansa.
Mas mababa ito ng 5% kumpara sa naitala noong January 5 hanggang January 18 na 15,904 na dengue cases.
Epekto raw ito ng mas pag-iingat ng publiko at panawagan na magsagawa ng mga clean-up drives at pagsira sa mga breeding sites ng lamok.
Sa kabila niyan, mas kaunti naman ang bilang ng mga nasawi dahil sa nasabing sakit.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na agad magpakonsulta sakaling makaranas ng sintomas gaya ng lagnat na mahigit 40 degrees Celsius ang taas, pananakit ng ulo, pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka, at rashes.
Sa kabuuan, nasa 43,732 ang bilang ng mga tinamaan ng dengue mula nang pumasok ang taon hanggang noong February 15 na mas mataas ng 56% kumpara sa 27,995 cases sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamaraming naitalang kaso sa Calabarzon, National Capital Region (NCR), at Central Luzon kung saan 17 na lugar dito ang tinukoy na dengue hotspots.