Kompanya mula sa Makati na sinasabing kinontrata ng Chinese Embassy para makialam sa halalan sa Pilipinas, pinadalhan ng subpoena ng NBI

Kinumpirma ng NBI na pinadalhan nila ng subpoena ang isang kompanya sa Makati City na sinasabing kinontrata ng Chinese embassy para mangasiwa ng “keyboard warriors” na may layong makialam sa halalan sa Pilipinas.

Sinasabing ang troll farm na pinatatakbo ng kompanya ay nagpapakalat ng mga maling impormasyon at paninira laban sa gobyerno.

Ang hakbang ng NBI ay kasunod ng pagdinig ng Senado kung saan pinakita ang kopya ng sinasabing service agreement sa pagitan ng Chinese Embassy sa Pilipinas at ng Makati-based na InfinitUs Marketing Solutions Inc.

Itinuro din ng Senado si Wu Chenqi, Chinese Embassy Director for Media and Public Relations, bilang kinatawan daw sa kasunduan.

Ayon kay NBI NCR Asst. Dir. Noel Bocaling, sa Biyernes, May 2 inaasahan nilang sisipot sa NBI ang kinatawan ng kompanya.

Tiniyak naman ng NBI na nananatili silang apolitical sa kanilang ginagawang imbestigasyon hinggil dito.

Facebook Comments