
Pinagkokomento ng Korte Suprema ang respondents kaugnay sa inihaing petisyon kahapon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato dela Rosa.
Ito ay sa kanilang hiling na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Supreme Court kaugnay sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa SC, matapos talakayin kagabi ang 94 na pahinang petisyon ay hindi naipaliwanag nang maayos ng petitioners kung bakit kailangang magpalabas ng TRO.
Sa kabila niyan, binigyan ng Mataas na Hukuman ang mga respondent ng sampung araw upang magkomento sa petisyon.
Samantala, kinumpirma naman ng SC na natanggap na nila ang magkahiwalay na inihaing petition for habeas corpus na humihiling na pauwiiin na agad ang dating pangulo.
Ipinag-utos na ni Chief Justice Alexander Gesmundo na isagawa agad ang raffle sa dalawang petisyon para sa nararapat na aksyon.
Inihain ang magkahiwalay na petisyon kanina ng magkapatid na sina Davao City Mayor Baste Duterte at dating presidential daughter na si Kitty.