Opisyal nang ibinalik ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang AquaX Dagupan, isang libreng water sports activity na ginaganap sa Bonuan Tondaligan Ferdinand Blue Beach bilang bahagi ng summer tourism program ng lungsod.
Tuwing Sabado at Linggo lamang maaaring maranasan ng mga residente at turista ang iba’t ibang water attractions tulad ng Banana Boat, UFO Ride, at Hurricane Ride na libre para sa publiko.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na makapagbigay ng ligtas at masayang beachside experience habang hinihikayat ang mas maraming pamilya, kabataan, at turista na bumisita sa kilalang beach destination ng lungsod ngayong panahon ng tag-init.
Sa inilabas na paalala, hinikayat din ang publiko na samantalahin ang libreng aktibidad bilang bahagi ng pagpapalakas ng tourism at recreational activities sa Dagupan.
Pinangungunahan ang programa ng Dagupan City Sports Commission katuwang ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Health Office, at City Tourism Office upang matiyak ang seguridad, kalusugan, at maayos na daloy ng mga aktibidad sa lugar.
Naglagay rin ng mga personnel at responders sa beach area upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok habang isinasagawa ang mga water sports activities. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










