Mahigit ₱20 milyon halaga ng kontrabando at ilegal na droga ang nasabat ng mga pulis sa Pangasinan sa loob lamang ng isang linggo, mula Setyembre 7 hanggang 13, 2026.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO), umabot sa 24 anti-smuggling operations ang isinagawa sa nasabing panahon.
Dalawang katao ang naaresto at nakumpiska ang kontrabandong tinatayang nagkakahalaga ng ₱17.653 milyon.
Samantala, pitong katao ang naaresto sa walong anti-illegal drug operations.
Nakumpiska sa mga operasyon ang 384.7 gramo ng hinihinalang shabu, 50 gramo ng tuyong marijuana, at isang halamang marijuana, na may kabuuang standard drug price na ₱2.625 milyon.
Umabot sa ₱20.278 milyon ang pinagsamang halaga ng kontrabando at ilegal na droga na iniulat na nasabat sa loob ng isang linggo.
Kasabay nito, nagsagawa rin ang pulisya ng dalawang operasyon laban sa loose firearms, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang katao at pagkumpiska ng dalawang baril.
Sa operasyon naman laban sa mga wanted person, walong Most Wanted Persons at 21 Other Wanted Persons ang naaresto sa naturang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣













