MAHIGIT 1,700 PAMILYA SA POGO GRANDE AT LASIP CHICO, NAKATANGGAP NG DSWD FOOD PACKS

Mahigit 1,700 pamilya mula sa Barangay Pogo Grande at Lasip Chico sa Dagupan City ang nakatanggap ng Family Food Packs o FFPs mula sa Department of Social Welfare and Development ngayong Martes, Agosto 11.

Ang ayuda ay para sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat at mga nagdaang Bagyong Luis at Maymay, na nagdulot ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng lungsod nitong mga nakaraang araw.

Sa Barangay Pogo Grande, mahigit 840 pamilya ang nabigyan ng food packs bilang bahagi ng nagpapatuloy na relief operations.

Nagtulungan sa distribusyon ang DSWD sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian at ng City Government ng Dagupan sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez.

Samantala, umabot naman sa 860 pamilya sa Barangay Lasip Chico ang nakatanggap din ng Family Food Packs mula sa DSWD.

Sa pinagsamang bilang, mahigit 1,700 pamilya mula sa dalawang barangay ang nabigyan ng food assistance sa loob ng araw.

Ang mga ipinamahaging food packs ay bahagi ng tulong ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon at pagbaha.

Patuloy naman ang relief operations at koordinasyon ng DSWD, City Government, mga barangay at iba pang ahensya upang maihatid ang kinakailangang tulong sa iba pang komunidad na naapektuhan ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments