Ligtas na nasagip at naihatid pauwi ang grupo ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan mula Paoay matapos silang ma-stranded sa Barangobong, Nueva Era dahil sa mataas na tubig sa ilog at mga nasirang bahagi ng kalsada.
Nagsimula ang rescue effort matapos makatanggap ng ulat ang Nueva Era Municipal Police Station noong Agosto 9 hinggil sa kalagayan ng mga na-stranded na SK officials.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis, katuwang ang mga lokal na opisyal mula sa mga kalapit na barangay, upang subukang maabot at mailabas ang grupo.
Gayunman, hindi agad naisagawa ang pagtawid dahil sa mabilis na pagtaas at malakas na agos ng tubig, na maaari ring maglagay sa panganib sa mga rescuers at sa mga na-stranded.
Habang hinihintay na maging ligtas ang kondisyon, tumulong naman ang mga residente ng Barangobong sa grupo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pansamantalang masisilungan at pagkain.
Nang bumuti ang kondisyon noong Agosto 10, muling nagsagawa ng koordinasyon ang Nueva Era MPS at mga lokal na opisyal hanggang sa matagumpay na mailabas ang mga SK officials mula sa lugar.
Matapos ang rescue, itinurn-over ang grupo sa Local Government Unit ng Paoay at Paoay Municipal Police Station para sa kanilang ligtas na pagbabalik.
Wala namang naiulat na nasaktan sa grupo.
Muling ipinapaalala ng insidente ang panganib ng pagtawid sa mga ilog at kalsadang apektado ng pagbaha, lalo na kapag mabilis na tumataas ang tubig bunsod ng malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖n










