
Mahigit 3,000 piraso ng party drugs ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark.
Ayon sa BOC, nagkakahalaga ng mahigit P5.1 million ang nasa 3,004 na piraso ng Ecstacy tablets na kilala rin sa tawag na “party drugs”.
Nagmula umano ang shipment sa Paris, France at balak sana itong ibagsak sa Taguig City.
Idineklarang “animal food” ang mga kargamento pero nang suriin ng mga tauhan ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay positibo itong tinukoy bilang mga iligal na droga.
Napag-alaman na isiniksik ang mga Ecstacy tablet sa mga pouch at inihalo sa mga dog food pellet para makalusot sa X-ray detection.
Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, ang operasyon na ito ay alinsunod pa rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na palakasin ang pagbabantay sa border at maprotektahan ang bawat pamilya sa pagkasira dahil sa bawal na gamot.