
Iginiit ni House Assistant Majority Leader at Zambales Representative Jay Khonghun sa Department of Justice (DOJ) at iba pang kinauukulang ahensiya ng gobyerno na imbestigahan ang umano’y ugnayan ng China at Infinitus Marketing Solutions.
Ayon kay Khonghun, dapat matukoy kung may nalabag na mga batas ang nabanggit na kompanya at kung kailangang ito at mga opisyal na papanagutin o kasuhan.
Panawagan ito ni Khonghun makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na kinontrata umano ang Infinitus Marketing Solutions ng Chinese government para magpakalat ng mga content online na pabor sa China.
Base sa Senate hearing, sangkot ang nabanggit na marketing firm sa pagpapakalat ng troll farms at keyboard warriors na umaayon sa interes ng Chinese government lalo na sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito ay umapela rin si Khonghun sa mga Filipino-owned company at iba pang negosyo sa bansa na i-boycott ang naturang kompanya.