Malacañang, inirekomenda sa mga magsasaka na ibenta ang palay sa NFA sa halip na sa rice traders

Iminungkahi ng Malacañang sa mga magsasaka na ibenta na lamang sa National Food Authority (NFA) ang kanilang mga aning palay para makaiwas sa pambabarat ng mga rice trader.

Kasunod ito ng mga hinaing ng magsasaka mula sa Cagayan Valley na binibili ng mga negosyante ang kanilang mga palay sa mababang presyo.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bumibili ng P23 hanggang P24 kada kilo ng tuyong palay ang NFA.


Mas maganda aniya kung makipagtulungan ang mga magsasaka sa mga Local Government Unit (LGU) para madala sa NFA buying station ang kanilang mga palay.

Maaari din silang dumirekta na lamang sa NFA para ibenta ng mas mataas ang kanilang ani.

Samantala, pinabulaanan naman ni Castro ang pinalulutang ng mga rice trader na puro pag-aangkat lamang ng bigas ang ginagawa ng gobyerno kaya mababa ang presyo ng palay.

Batay sa datos ng Bureau of Plant Industry (BPI), nasa 504,727 metric tons ng bigas ang naiangkat ng bansa mula January hanggang February 27 kung saan bumbaba ito sa 34.5% mula sa kaparehong panahon noong 2024.

Facebook Comments