Inaasahan ng mga vendor na bago magtungo sa mga sementeryo, daraan muna sa simbahan ang ilang deboto upang magdasal at bumili ng mga relihiyosong bagay bilang bahagi ng kanilang pananampalataya.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Lea May Hinal, isang manlalako ng mga relihiyosong gawain sa paligid ng Manaoag Church, sinabi nitong sinimulan na niyang linisin at ayusin ang kaniyang mga paninda bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga mamimili.
Kabilang sa kaniyang mga paninda ang iba’t ibang produktong may murang presyo at mayroon ding mas mataas ang halaga, depende sa uri at pagkakagawa ng mga ito.
Samantala, bahagya rin umanong tumaas ang presyo ng ilang relihiyosong bagay dahil sa pagmahal ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng mga ito.
Dahil dito, umaasa ang mga manlalako na mas maraming deboto ang bibili ng kanilang mga paninda upang mabawi ang puhunan at magkaroon ng karagdagang kita sa panahon ng Undas.
Bukod sa pagiging hanapbuhay, bahagi rin ng tradisyon at pagkakakilanlan ng The Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag ang pagbebenta ng mga relihiyosong bagay, na patuloy na dinarayo ng mga deboto at turista mula sa iba’t ibang lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








