Batay sa monitoring ng Calasiao Disaster Risk Reduction and Management Office o DRRMO, nasa 9.3 feet above normal water level ang ilog alas-12:30 ng tanghali nitong Setyembre 6.
Ayon kay Kristine Chan Soriano, tagapagsalita ng Calasiao DRRMO, bagama’t nananatiling mataas ang lebel ng tubig sa ilog, patuloy naman itong bumababa nitong mga nakalipas na araw.
Napansin din ng DRRMO na kumalat ang tubig mula sa Marusay-Sinocalan River patungo sa mga low-lying area ng ilang barangay, dahilan upang hindi pa tuluyang humupa ang baha sa mga apektadong lugar.
Samantala, bumaba na rin ang bilang ng mga barangay na nakararanas ng pagbaha.
Mula sa 24 barangay na naitalang binaha nitong mga nakaraang araw, 15 barangay na lamang ang kasalukuyang apektado, batay sa monitoring ng Calasiao DRRMO.
Sa kabila nito, patuloy na nag-iingat ang mga awtoridad at hinihikayat ang mga residente, lalo na ang mga nasa low-lying area, na manatiling alerto dahil hindi pa rin tuluyang bumubuti ang lagay ng panahon.
Pinapayuhan din ang mga residenteng nasa binahang lugar na iwasang lumusong sa baha upang makaiwas sa mga sakit gaya ng leptospirosis.
Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagligo, paglangoy, paglalaro at iba pang aktibidad sa Marusay-Sinocalan River dahil sa malakas na agos na maaaring magdulot ng panganib sa mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







