Mas magandang ekonomiya sa ilalim ng nakaraang Duterte administration, hindi totoo ayon sa isang lider ng Kamara

Mariing kinontra ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mas maganda ang takbo ng ekonomiya at mas maraming trabaho sa ilalim ng kanyang administrasyon kumpara sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tinukoy ni Ortega na base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 3.82% ang unemployment rate sa ilalim ng administrasyong Marcos noong 2024 na mas mas mababa kumpara sa 10.26% noong 2020 sa gitna ng termino ni Duterte.

Binanggit din ni Ortega na ang underemployment rate o mga Pilipinong may trabaho pero hindi sapat ang kita ay napako sa 16% mula 2017 hanggang 2020 at bumaba lang 11.93% nitong 2024.


Iginiit din ni Ortega, hindi pwedeng isisi ng nakaraang administrasyon sa pandemya ang bagsak nitong economic performance dahil mayroon naman itong pagkakataaon mula 2016 na magpatupad ng reporma bago ang pandemya.

Bunsod nito ay ipinunto ni Ortega na kung totoo na may malasakit ang dating pangulo sa mamamayang Pilipino ay makabubuti na sa halip puro batikos ay makiisa na lang ito na palakasin ang ekonomiya.

Facebook Comments