MAS MATATAG NA LABOR MANAGEMENT, PINAGTITIBAY NG DOLE RO1

Pinagtibay ng Department of Labor and Employment Regional Office I (DOLE ROI) ang kakayahan ng 46 lider at miyembro ng unyon sa Rehiyon I sa pamamagitan ng Workers Organization Development Program (WODP) Plus Level 1 Batch 1 na isinagawa noong Hunyo 22–23, 2026 sa Lingayen, Pangasinan.

Layunin ng programa na palakasin ang ugnayan ng manggagawa at pamunuan sa mga organisadong establisimyento sa pamamagitan ng pagsasanay sa union administration, labor-management cooperation, at pagresolba ng suliranin sa lugar-paggawa.

Tampok din sa dalawang araw na aktibidad ang mga workshop at case simulations hinggil sa grievance handling, collective bargaining, at epektibong pagpapatupad ng Collective Bargaining Agreement (CBA).

Ayon sa DOLE, mahalagang bahagi ang mga unyon sa pagsusulong ng kapayapaan sa industriya at pagpapaunlad ng produktibong trabaho.

Binigyang-diin ni DOLE Regional Director Honorina Dian-Baga ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay upang higit na mapalakas ang kakayahan ng mga lider-unyon sa pagtaguyod ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.

Inaasahang magpapatuloy ang DOLE ROI sa pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng matatag na social partnership tungo sa mas maayos na relasyon sa paggawa at mas matatag na ekonomiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments