
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno na maglatag ng detalyadong plano laban sa matinding El Niño, na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig at pagkain, kalusugan, kabuhayan at edukasyon.
Sa panayam sa Singapore, sinabi ng pangulo na prayoridad ang kahandaan ng mga ospital, kabilang ang sapat na kuryente, gamot at kagamitang medikal para sa mga sakit na maaaring lumaganap sa panahon ng matinding tagtuyot.
Tiniyak din ni Marcos ang sapat na suplay ng bigas sa kasalukuyang anihan, habang pinag-iibayo ang paghahanda ng mga dam at pagsasagawa ng cloud seeding upang makatulong na magdulot ng ulan.
Tutulungan din ang mga magsasakang maaapektuhan ng tagtuyot, kabilang ang pagsasanay sa TESDA para sa alternatibong kabuhayan.
Samantala, pinag-aaralan ang alternatibong paraan ng pagtuturo upang maipagpatuloy ang klase sa kabila ng matinding init.
Partikular na inatasan ng pangulo ang Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA) at Presidential Communications Office (PCO) na magsumite ng detalyadong plano para tugunan ang mga epekto ng El Niño.










