Kinumpiska ng mga awtoridad ang ilang laruang pambata na ibinebenta sa paligid ng Mangaldan Central School matapos matuklasang maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga bata.
Sa isinagawang operasyon ng Barangay Poblacion, sinuyod ang mga tindahan malapit sa paaralan at dalawang establisyemento ang nahulihan ng mga laruang may kasamang syringe at iba pang ipinagbabawal na produkto.
Nag-ugat ang operasyon matapos iulat ng pamunuan ng Mangaldan Central School ang pagkakasamsam ng mga naturang laruan mula sa ilang estudyante. Sinabi umano ng mga bata na nabili umano nila ang mga ito sa tindahan sa labas ng paaralan.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng Rural Health Unit I ng Mangaldan na maaari umanong magdulot ng kontaminasyon at iba pang panganib sa kalusugan ang paggamit ng mga syringe at kahalintulad na laruan.
Magpapatuloy umano ang pagbabantay ng barangay sa mga manlalako sa paligid ng paaralan para masigurong wala nang kahalintulad na mga produkto ang mabibili ng mga mag-aaral.
Nananawagan din ang paaralan sa mga magulang na bantayang mabuti ang mga binibili ng kanilang mga anak upang maiwasan ang anumang banta sa kanilang kaligtasan, kasabay ng paggabay ng mga guro. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







