MGA MAGSASAKA, HINIMOK NA SUBUKAN ANG DOUBLE DRY CROP

Cauayan City – Hinihimok ng pamunuan ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang mga magsasaka na magsagawa ng Double Dry Cropping ngayong 2025.

Ang pagsasagawa ng Double Dry Cropping o pagtatanim ng dalawang beses ngayong dry season ay upang hindi maabutan ng panahon ng bagyo o pag-ulan ang pag-aani ng palay ng mga magsasaka.

Ayon sa monitoring ng Operations Section at Institutional Development Section ng MARIIS, pumayag naman ang mga magsasaka na subukan ang 2nd Dry Crop ngayong taon.

Sa patuloy na pagsasagawa ng pagsusuri ng Status of Farming Activities, mayroong iba’t-ibang uri ng preparasyon para sa nabanggit sa double dry cropping kung saan ang iba ay inihahanda na ang lupang tataniman habang ang iba naman ay nakapagtanim na.

Makatutulong rin ang pagsasagawa ng Double Dry Cropping upang matugunan ang Food Sufficiency sa bansa at upang mapataas rin ang ani at kita ng mga magsasaka.

Samantala, dahil sa maayos na pamamahala sa Magat Dam ay nakapag-ipon ito ng sapat na tubig sa dam kaya tiyak na matutugunan ang pangangailangan ng tubig ng mga magsasaka sa pagtatanim.

Facebook Comments