Umaaray na sa epekto ng malawakang pagbaha at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang ilang transport group sa bansa.

Sa panayam ng iFM News Dagupan, sinabi ni Liberty De Luna, Pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO Nationwide, na apektado ang biyahe ng kanilang mga miyembro dahil sa pagbaha sa ilang pangunahing kalsada bunsod ng patuloy na pag-ulan at epekto ng habagat.

Ayon kay De Luna, may mga miyembro silang hindi makabiyahe sa Metro Manila at ilang rehiyon dahil hindi madaanan ang ilang kalsadang lubog sa baha.

Bukod sa pagkawala ng pasada at kita, dagdag-pasanin umano sa kanilang hanay ang pagtaas ng presyo ng petrolyo. Nangangamba rin ang mga operator at tsuper sa posibleng pagkasira ng makina at iba pang piyesa ng kanilang mga sasakyan kapag isinugod sa malalim na baha.

Ayon pa kay De Luna, hinihintay din ng kanilang hanay ang opisyal na abiso mula sa Department of Transportation o DOTr kaugnay ng sinasabing ₱20,000 amortization assistance kada unit para sa mga transport cooperative na may mga hulugang sasakyan.

Dahil dito, nanawagan ang ACTO Nationwide sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin sa DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, na bigyang-pansin ang kalagayan ng mga operator at tsuper na apektado ng kalamidad at mataas na gastusin sa operasyon.

Hiling din ng grupo na mapag-aralan ang posibilidad ng dagdag-pasahe. Ayon kay De Luna, makatutulong umano ito upang makasabay ang mga operator at tsuper sa tumataas na gastos sa petrolyo at iba pang gastusin sa kanilang operasyon.

Nanawagan din si De Luna sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na maisama sa maaaring mabigyan ng food packs at iba pang ayuda ang mga tsuper at operator na nawawalan o nababawasan ng kita dahil hindi makabiyahe dulot ng pagbaha.

Patuloy na hamon ngayon sa transport sector ang sabay na epekto ng pagbaha, pagkawala ng pasada at pagtaas ng kanilang gastusin sa operasyon.

Para sa mga tsuper at operator na umaasa sa arawang pasada, bawat araw na hindi makabiyahe dahil sa baha ay katumbas din ng bawas o kawalan ng kita para sa kanilang pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments