Nagsagawa ng courtesy call si DPWH Usec. Charles Calima Jr. sa pamahalaang bayan ng Binmaley kasabay ng kanyang pagbisita sa lalawigan ng Pangasinan, nitong Abril 23.
Nakipagpulong ito kay Mayor Pedro Merrera III kung saan tinalakay ang ilang mahahalagang proyektong pang-imprastraktura sa bayan.
Kabilang sa binisita ng mga opisyal ang bahagi ng Dagupan–Binmaley–Lingayen Bypass Road na sakop ng Binmaley.
Dito, inilatag ng alkalde ang ilang mungkahi upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa lugar.
Ayon sa alkalde, kilala ang ilang bahagi ng bypass road bilang chokepoint dahil sa mga intersection, kaya kinakailangan ang agarang solusyon upang hindi lumala ang sitwasyon sa hinaharap.
Bukod sa usapin ng kalsada, binigyang-diin din ni Merrera ang pangangailangan na tutukan ang mga imprastraktura sa kailugan, kabilang ang retaining wall at dredging upang maiwasan ang posibleng pagbaha na dulot umano ng bumababaw na kailugan dulot ng soil erosion, na pinamamadali ng alkalde bago mag tag-ulan.
Samantala, kinuwestyon din ng alkalde ang ilang proyekto ng DPWH sa bayan na hindi pa natatapos at hinamon ang kagawaran na bigyang linaw ang pagkaantala ng mga ito.
Sa kabila nito, wala pang inilalabas na detalyadong tugon ang DPWH hinggil sa mga isyung binanggit, kabilang ang status ng mga naantalang proyekto sa bayan.
Patuloy naman ang koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Binmaley at ng Department of Public Works and Highways upang matiyak ang maayos na implementasyon ng mga proyekto na sa huli ay mga mamamayan ang makikinabang. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







