
Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuhos ng suporta para sa mga kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Sa kaniyang lingguhang vlog, sinabi ng Pangulo na natutuwa siyang dumalo sa mga rally dahil tunay na tao ang kaniyang mga nakikita at hindi mga keyboard warriors o trolls.
Nakakausap at nakakamayan niya aniya ang mga ito kaya tiwala siyang alam nilang kumilatis ng tama at maling impormasyon.
Kasabay nito, nagpaalala naman ang Pangulo sa publiko na magdoble ingat sa mga nababasa online dahil kakambal ng eleksyon ang mga intriga at fake news.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi kayang pekein ang mga nagawang programa at serbisyo ng pamahalaan dahil mismong mamamayan ang nagpapatunay sa mga ito sa pamamagitan ng kanilang pasasalamat sa gobyerno.