MHO BUGALLON, HUMINGI NG PAUMANHIN SA ISYU NG PAGBEBENTA NG BITAMINA AT BAKUNA SA ILANG BUNTIS

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Municipal Health Office – Bugallon kaugnay ng reklamo hinggil sa umano’y pagbebenta ng bitamina at bakunang tetanus toxoid sa ilang buntis sa RHU I.

Ayon sa MHO, kinumpirma ng isinagawang imbestigasyon kasama ang lokal na pamahalaan na may katotohanan ang reklamo, dahilan upang humingi sila ng paumanhin sa mga naapektuhan.

Nilinaw ng tanggapan na hindi umano ito ginawa para sa kita kundi bunsod ng kahilingan ng ilang pasyente para sa mas madaling access sa prenatal na gamot at bakuna, lalo na sa mga pagkakataong kulang ang libreng suplay.

Gayunman, aminado ang MHO na labag ito sa umiiral na patakaran ng lokal na pamahalaan, kaya’t agad na pinag-aaralan ang kaukulang aksyon upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Tiniyak ng MHO na bukas ang kanilang opisina sa mga reklamo at suhestiyon habang patuloy na inaayos ang sistema ng serbisyong pangkalusugan sa Bugallon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments