MOBILE BLOOD DONATION SA ASINGAN, PATULOY NA PINALALAKAS

Patuloy na pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang kampanya para sa blood donation upang matiyak ang sapat na suplay ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Ayon kay Marilou Torio, Local Blood Coordinator ng munisipalidad, umabot sa 96 blood units ang pinakamataas na nakolekta sa isang blood donation activity ngayong taon.

Binigyang-diin ni Torio ang kahalagahan ng regular na blood donation dahil maraming pasyente ang umaasa sa sapat na suplay ng dugo, kabilang ang mga may anemia, mga bagong panganak, mga biktima ng aksidente, at iba pang nangangailangan ng blood transfusion.

Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makiisa sa mga mobile blood donation activities upang makatulong sa pagliligtas ng buhay at pagtugon sa pangangailangan ng mga pasyente.

Dagdag pa ni Torio, hindi dapat ikatakot ang blood donation kahit marami ang nangangamba sa karayom. Aniya, ligtas ang proseso dahil karaniwang 450 mililitro lamang ng dugo ang kinukuha mula sa isang donor, na madaling napapalitan ng katawan sa pamamagitan ng sapat na pag-inom ng tubig at wastong pangangalaga sa kalusugan.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na patuloy na suportahan ang mga blood donation activities upang mas marami pang buhay ang matulungan at masiguro ang sapat na suplay ng dugo sa mga ospital at blood bank. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments