Modernisasyon ng PHIVOLCS, ganap nang batas

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukalang gawing moderno ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12180 o PHIVOLCS Modernization Act, ipinag-uutos ang pag-upgrade at maintenance ng mga pisikal na gamit at operational standards ng ahensya.

Nakapaloob din dito ang pagpapalakas ng volcano at earthquake monitoring network and information system, gayundin ng kapasidad sa pag-forecast ng banta ng malalakas na lindol at tsunami.

Inaatasan din ng batas ang pagpapabuti ng pasilidad para sa research and development ng ahensya, at obligasyon ng PHIVOLCS sa risk information o pagbabahagi ng mahahalagang impormasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders para makapaghanda sa sakuna, gayundin ang pagpapalakas ng kooperasyon sa ibang bansa.

Nasa P7 billion ang ilalaang pondo para sa modernization ng PHIVOLCS na manggagaling sa national budget, at hindi kukuhanin sa pondo ng Department of Science and Technology.

Ayon sa Pangulo, layunin ng batas na magamit ang lahat ng siyentipiko at teknikal na kaalaman at impormasyon para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino at kalikasan mula sa mga banta ng pagsabog ng bulkan, lindol, tsunami, at iba pang kahalintulad na natural phenomena.

Facebook Comments