
Maliban sa P20 na kada kilo ng bigas, ibebenta na ang murang karne ng baboy sa mga Kadiwa store, Department of Labor and Employment (DOLE) accredited employers, at ilang palengke sa Metro Manila.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, local pork at imported pork ang plano nilang ibenta sa mga Kadiwa outlet at DOLE accredited employers.
Balak ng DA na ipatupad ito sa unang linggo ng August, sa ilang lungsod sa Metro Manila, Cebu, at Davao.
Target ng DA na makapagbenta sa nasa 38 public markets sa National Capital Region (NCR), kung saan iaalok ito sa mga local government unit (LGU).
Ani Laurel, nakikita nilang bababa ang inflation sa karne ng baboy sa oras na maipatupad ito.
Mas mababa ng nasa P50 ang nakikita ng DA na presyo ng mga ibebentang murang karne kung ikukumpara sa umiiral na presyuha ng karneng baboy sa merkado.