Pinagsusumite ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng komprehensibong ulat patungkol serye ng power supply disruptions sa Luzon at Visayas.

Mula kasi Mayo 12 hanggang 14 ay itinaas ng NGCP sa Yellow at Red Alert sa Luzon at Visayas grid.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kailangang ipaliwanag ng NGCP ang naturang mga alerto na nagdulot ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente.

Naka-apekto ito sa milyon-milyong consumers sa rehiyon.

Kaya sinabi ni Garin na prayoridad ngayon ng DOE na mapanatili ang matatag na suplay ng kuryente, proteksyon sa consumers at pagpapanagot sa mga sangkot sa power sector.

Dagdag pa niya, nararapat lamang na magkaroon ng buong transparency sa mga insidenteng nagdulot ng grid alerts kaya inaatasan ang NGCP na sumunod sa lahat ng reportorial at regulatory obligations nito.

Sa hiwalay na pahayag, tiniyak naman ng NGCP na susunod ito sa kautusan at magsusumite ng mga kinakailangang ulat.

Ayon sa kompanya, nakatuon muna ang kanilang kasalukuyang operasyon sa pagpapanatili ng katatagan ng Luzon at Visayas grids habang hinihintay ang ganap na normalisasyon ng suplay ng kuryente.

Sinabi rin ng NGCP na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay ng mga pangyayaring nakaapekto sa dalawang grids nitong mga nakaraang araw.

Matatandaang nagdeklara ang NGCP ng Red Alert status sa Luzon Grid noong Mayo 13, na nakaapekto sa mahigit 200,000 customers sa ilang bahagi ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, at Rizal.

Facebook Comments