
Hindi na makakabiyahe at hindi na makakukuha ng prangkisa ang operator ng abusadong taxi driver na sangkot sa overcharging ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA kamakailan.
Sa panayam ng DZXL News, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na kailangang patunayan na seryoso ang ahensya sa kanilang kampanya laban sa ganitong kalakaran.
Ayon kay Dizon, bagama’t matagal nang nangyayari ang ganitong kalakaran o modus ng abusadong taxi pero tila hindi pa rin natatakot sa awtoridad ang mga ito.
Sisimulan ng DOTr ang crackdown sa airport at isusunod ang mga bus terminal at pier.
Hihingin din ng DOTr ang tulong ng Philippine National Police at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Pagtitiyak pa ni Secretary Dizon na hindi lang abusadong taxi driver ang kanilang kakalusin kundi maging ang mga kasabwat nito at mga opisyal na nagpapabayad sa kanilang tungkulin.
Kasabay nito, hinihikayat ng DOTr ang publiko na agad i-report sa kanila at kunan ng video o larawan ang ganitong mga insidente upang mabilis na maaksyunan.