PAGASA DAGUPAN, ITINAAS ANG EL NIÑO ALERT; MGA MAGSASAKA, NAGHAHANDA SA POSIBLENG EPEKTO

Inanunsyo ng DOST-PAGASA Dagupan na itinaas na nito ang El Niño Alert, inaasahang mararanasan ng mga Dagupeño ang katamtamang lakas ng El Niño mula Hunyo hanggang Agosto, na may 82% posibilidad ng pagbuo nito.

Kaugnay nito, nagsagawa ng pagpupulong ang PAGASA Dagupan at ang lokal na pamahalaan upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda ng mga residente, partikular ng sektor ng agrikultura, laban sa posibleng epekto ng matinding init at kakulangan sa suplay ng tubig.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Anacleto Alentajan, isang magsasaka, sinabi nitong malaki ang kanilang pangamba sa banta ng El Niño dahil maaaring maapektuhan ang kanilang kabuhayan at ani.

Hiling niya sa mga kinauukulan na mabigyan sila ng mga water pump upang makatulong sa patubig at mapanatili ang kanilang produksyon sa gitna ng inaasahang tagtuyot.

Gayunpaman, nilinaw ng PAGASA na hindi pa ito itinuturing na nasa danger level dahil nananatili pa rin ang impluwensya ng Habagat at ng tag-ulan, na maaaring magdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan.

Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko, lalo na ang mga magsasaka, na maging handa at makiisa sa mga programang inilalatag ng pamahalaan upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa agrikultura at kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments