Sinabi ni Vincent Chiu, Operations Head ng Pangasinan PDRRMO, na may mga lugar na nakaranas ng pagbaha ngunit karamihan sa mga ito ay nagsubside na pagsapit ng Agosto 4.
Kabilang sa mga lugar na binaha noong kasagsagan ng malalakas na ulan ang Sitio Macario, Brgy. Poblacion Oeste sa Dagupan City na malapit sa creek.
Ayon sa ilang residente, humupa na ang pagbaha sa lugar ngunit nagkakaroon parin umano ng tubig tuwing high tide.
Karaniwan umanong sanhi ng pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan ay ang pag-apaw ng mga ilog, tulad sa Labrador, habang ang iba naman ay dulot ng matinding buhos ng ulan noong Agosto 3.
Sa Lingayen, umabot umano sa dalawa hanggang tatlong talampakan ang taas ng baha sa ilang barangay, ngunit humupa na rin ito kinabukasan.
Patuloy namang minomonitor ng PDRRMO ang kondisyon ng ilang kalsada sa mga barangay, partikular sa Alaminos at Agno, para masigurong passable na ang mga ito para sa mga motorista.
Samantala, nananatiling passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang Malico Road, isang lugar na itinuturing na landslide-prone, ayon sa ahensya.
Kasabay nito, nanawagan ang PDRRMO sa publiko na maging mapanuri at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na ng mga lumang o hindi beripikadong larawan na hindi na sumasalamin sa kasalukuyang kondisyon ng mga kalsada at iba pang apektadong lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








