Inaasahang makatutulong sa muling pagbangon ng tourism sector at maliliit na negosyo sa Region 1 ang pagdagsa muli ng mga turista sa mga pangunahing destinasyon sa rehiyon.
Ito ay matapos maapektuhan ng nagdaang habagat ang ilang tourist destinations, tourism establishments, at lokal na produkto dahil sa malalakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ayon kay Ma. Gloria Alano-Caluya, Ph.D., President ng Tourism Council Region 1, hindi nila inaasahan ang naging pagbaba ng turismo noong kasagsagan ng habagat.
Bukod sa pagbaba ng bilang ng mga turista, ilang lokal na produkto rin umano ang nasayang dahil sa epekto ng sama ng panahon.
Isa sa mga naapektuhan ang mga maliliit na negosyong nakadepende sa paggawa at pagbebenta ng mga lokal na produkto.
Kabilang dito si Estrella Marzo, isang MSME na gumagawa at nagbebenta ng walis tambo.
Bukod sa paghina ng bentahan, naging hamon din para sa kanilang negosyo ang pagtatanim at pag-aalaga ng tiger grass na pangunahing materyales sa kanilang produkto.
Sa kabila ng naging epekto ng habagat, nakikita naman ng tourism stakeholders at MSMEs ang inaasahang mas mainit na panahon bilang pagkakataon upang muling pasiglahin ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay Alano-Caluya, inaasahang muling dadagsa ang mga turista sa mga destinasyong gaya ng mga beach, na maaari ring magsilbing pagkakataon upang maipakilala at maisulong ang mga lokal na produkto ng mga MSMEs sa Region 1.
Para naman kay Marzo, makatutulong ang pagbabalik ng mga turista at mamimili upang muli nilang maipakita ang kanilang mga produkto at mapalawak ang kanilang merkado.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagdaan ng mga bagyo at habagat, patuloy ang pagsisikap ng tourism stakeholders at MSMEs na makabangon at mapanatili ang kanilang kabuhayan.
Umaasa silang magsisilbing daan ang muling pag-igting ng turismo upang mapalakas ang kanilang mga negosyo at higit pang maitaguyod ang mga lokal na produktong pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming residente sa Region 1. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣












