Paggamit ng angkop at mas makabagong teknolohiya sa pagtugis sa scammers, inirekomenda ng isang senador sa mga telco

Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian sa telecommunication companies na gumamit ng angkop at mas advanced na teknolohiya sa pagtugis ng scammers.

Kaugnay na rin ito sa pag-aaral na ginagawa ng National Telecommunications Commission (NTC) na oobligahin ang subscribers na personal na irehistro ang kanilang SIM para matiyak ang identity verification ng isang indibidwal at maiwasan ang talamak na bentahan ng IDs na posibleng magamit sa mga iligal na gawain.

Ayon kay Gatchalian, tila nawawala ang layunin ng SIM Registration Act kung saan dapat ay electronic ang registration ng mga SIM kasunod ng panukalang “in-person” SIM registration.

Babala ng mambabatas, tiyak na magiging malaking hamon sa telcos ang in-person SIM registration at kakailanganin din dito ng dagdag na logistics na magpapahaba sa registration at verification process.

Inirekomenda ng senador sa telcos na gumamit ng mas makabagong teknolohiya para sa pag-verify ng pagkakilanlan ng isang subscriber at para mas mabilis na masukol ang scammers.

Facebook Comments