Pagsasabatas sa PH Islamic Burial Law, pagkonsidera sa kapakanan, dignidad at pananampalataya ng bawat isa

Binigyang diin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na tinupad ngayon ng gobyerno ang pangakong tunay na inclusivity, pagiging sensitibo sa kultura, dangal at pananampalataya ng bawat isa.

Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Republic Act No. 12160 o ang Philippine Islamic Burial Act upang mailibing ang mga labi ng mga Muslim sa loob ng 24 oras mula sa oras ng kanilang pagpanaw, alinsunod sa mga kaugalian at ritwal ng relihiyong Islam.

Inaatasan ng panukala ang mga ospital, punerarya at mga ahensiya ng pamahalaan na sundin ang tama at kaukulang proseso upang matiyak na matutupad ang banal na gawaing ito, habang isinasaalang-alang pa rin ang mga panuntunang pangkalusugan ng publiko.

Sa ilalim ng batas, bubuo ang Department of Health (DOH) ng mga alituntunin upang matiyak ang agarang paglabas ng mga labi mula sa mga ospital, habang makipagtutulungan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan para sa pagtalaga ng angkop na libingan at pagbibigay ng kailangang transportasyon.

Ang National Commission on Muslim Filipinos naman ang titiyak na masusunod ang mga ritwal ng Islam.

Facebook Comments