Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan na bibigyang-prayoridad sa pamamahagi ng ayuda sa bigas ang mga pamilyang kapos sa kita at iba pang sektor na higit na nangangailangan ng tulong.
Ito ay kasunod ng paglilinaw ng pamahalaang bayan sa proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo ng rice distribution program mula sa pamahalaang nasyunal at panlalawigan.
Kabilang sa mga prayoridad ang mga minimum-wage earner, solo parent, persons with disabilities o PWDs, barangay volunteer, at iba pang pamilyang kabilang sa vulnerable sector.
Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi pangunahing prayoridad ang mga regular na kawani ng gobyerno dahil mayroon silang matatag na buwanang sahod at mga benepisyo.
Gayunman, maaari pa ring mapabilang sa mga benepisyaryo ang mga job order at kontraktuwal na manggagawa, depende sa kanilang kwalipikasyon, dahil hindi nila natatanggap ang kaparehong benepisyo ng mga regular na empleyado.
Binigyang-diin ng pamahalaang bayan ang kahalagahan ng patas na pagpili ng mga benepisyaryo upang matiyak na ang limitadong suplay ng bigas ay mapupunta sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng tulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










